Pinasalamatan ni House Speaker Martin Romualdez, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagtupad sa kaniyang pangako na pirmahan ang 2025 national budget bago matapos ang taong 2024.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang pambansang pondo ay sumasalamin sa pinagsamang pangako ni Pangulong Marcos at ng Kongreso na gawing mas maganda ang buhay ng mga Pilipino; magkaroon ng pagkakapantay-pantay; at responsableng pamamahala na nakatuon sa pagbibigay ng makabuluhang resulta.
Ipinunto ng Lider ng Kamara na isang “mahalagang tagumpay” Ang ginawa ng Pangulo na layong maiangat ang pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino at tiyakin ang mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.
Aniya ang naturang panukala ay kumakatawan sa maayos at responsableng paggamit ng mga pondo, pinagsasama ang disiplina sa pananalapi, at ang pangako ng gobyerno na pagandahin ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino na isang mahalagang hakbang tungo sa patuloy na pag-unlad ng bansa.
Pinasalamatan din ni Speaker Romualdez, ang maayos na pamumuno ni pbbm maging ang pagsusumikap ng kaniyang mga kasamahan sa Kongreso.
Binigyang diin ng Lider ng Kamara na ang 2025 budget ay nagpapakita ng nagkakaisang hangarin, na tiyakin na ang mga programa ng gobyerno ay tunay na nagsisilbi sa taumbayan tungo sa kaunlaran ng bansa.