Kinakailangang maisailalim sa contact tracing ang nasa 20,000 indibidwal mula sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, ito’y matapos na makapagtala ng 2,018 kumpirmadong COVID-19 cases ang lalawigan, na mayroong 788 recoveries at 58 fatalities.
Matatandaan na ilang opisyal ng Inter-Agency Task Force at National Task Force on COVID-19 ang bumisita sa Bulacan, matapos na tumaas ang virus cases doon.
Sa ngayon nasa warning zone na umano ang sitwasyon sa lalawigan dahil sa halos mapuno na ang COVID-19 beds at isolation rooms doon.
Sinabi ni Duque, na medyo malaki na ang kakulangan ng quarantine facility at bed capacity ng Bulacan kaya’t nagdesisyon aniya silang magtungo doon upang makapagbigay ng suhestyon.
Pahayag ng kalihim, pumayag na aniya ang DepEd na magamit na ang kanilang public elementary school buildings upang punan ang pangangailangan ng probinsya pagdating sa mga karagdagang isolation at quarantine facilities.
Sinabi naman naman ni Bulacan Governor Daniel Fernando, na kahit maisailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang lalawigan, nararapat paring panatilihin ang istriktong pagpapatupad ng mga health protocols.