Nasa 21 kababaihan na biktima ng Sex Trade ang nareskyu ng mga otoridad sa isang prostitution den sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Bayombong District Office head agent Virgilio Reganit, nagtatrabaho ang mga biktima bilang Guest Relations Officer (GRO) sa sunrise videoke bar sa Barangay Sta. Rosa ng nasabing bayan, at binabayaran umano ang mga ito ng mula P1,000 hanggang P3,000 para makipag-talik sa kanilang mga kostumer.
Sa ikinasang Anti-Human Trafficking Operation, inaresto sina Evangeline Torres-Escalante, 43-anyos, at Analyn Estabillo-Torres, 45-anyos, mga manager ng nasabing bar habang patuloy pang pinaghahanap ang may-ari ng bar na kinilalang si Christopher Jun Domingo, 38-anyos.
Nabatid na bago nagkasa ng operasyon ang mga operatiba, isinailalim muna sa surveillance operation ang mga suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 92080 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 sa Provincial Prosecutors Office ng Nueva Vizcaya.