Nakauwi na sa bansa ang panibagong batch ng mga Pilipino na na-repatriate mula Ukraine.
Dumating nitong umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 ang 21 tripulanteng Pinoy crew members ng M/V S-Breeze sa pamamagitan ng commercial flight ng philippine airlines flight PR-659 mula Moldova, Europe.
Sinalubong naman sila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa mga Pinoy, napagdesisyunan nilang lisanin ang Ukraine upang hindi maipit sa sigalot sa pagitan nito at ng Russia.
Nakatakdang tumanggap ng tig-10,000 pesos na cash assistance mula sa gobyerno ang mga Filipino repatriate.—mula sa ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)