Nakauwi na sa bansa ang 21 Pinoy crew ng MV Diamond Princess na nagpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ang mga nasabing Pinoy, ayon kay Health assistant secretary Maria Rosario Vergeire, ay umuwi na ng Pilipinas matapos makarecover at magnegatibo na sa nasabing sakit.
Inaasahan namang uuwi na rin aniya ang 19 pang Pinoy crew ng nasabing cruise ship sa mga susunod na araw matapos gumaling na rin sa COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na ang iba ay nagpapagaling pa sa ospital at nagpapakita naman ng positibong tugon sa gamutan.
Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na umabot sa 80 ang bilang ng mga Pinoy sa MV Diamond Princess ang nagpositibo sa COVID-19.
Tiniyak naman ng manning agency ng mga nasabing Pinoy crew na marere-employ ang mga ito at hindi mawawalan ng trabaho.