Bubuksan na sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo ang 22 mega quarantine facilities para sa mga mild at asymptomatic coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients sa Metro Manila.
Tiniyak ito ni Testing Czar Vince Dizon matapos ianunsyo ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 70 porsyento nang okupado ang quarantine facilities sa Metro Manila gayundin sa Regions 1, 7, 10 at 12.
Sinabi ni Dizon na ang mga nasabing mega quarantine facilities ay bukod pa sa halos 3,000 kama sa mga hotel na una nang binayaran ng gobyerno at inilaan para sa asymptomatic/mild COVID-19 patients sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Dizon dumami ang asymptomatic positives at halos mapuno na rin ang mga quarantine at LGU facilities kaya kaagad silang kumuha ng isolation hotels.
Inihayag pa ni Dizon na inaasahang sa susunod na linggo ay magagamit na ang quarantine facility sa loob ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Kasabay nito ipinabatid ni Dizon na matatapos sa susunod na dalawang linggo ang ipinapatayo ng grupo ni businessman Ricky Razon na 500 bed isolation facility sa lupain ng Entertainment City-Nayong Pilipino sa Paranaque City.