(Updated)
Nadagdagan pa ang labi na nahukay sa landslide area sa Naga City, Cebu.
Ayon kay Mayor Cristina Vanessa Chiong, umakyat na sa 22 ang nahukay sa tuloy-tuloy na search, rescue and retrieval operations.
Asahan aniya na anumang oras ay idedeklara nila ang state of calamity upang matulungan ang daan-daang pamilya na nawalan ng tirahan matapos matabunan sa landslide.
Tiniyak ni Chiong na pananagutin nila kung sinuman ang nagpabaya kaya’t nagkaroon ng landslide sa quarry site ng kumpanyang Apo Cement.
“Let us focus all our efforts, attention and resources to what matters most which is search, rescue and retrieval operations, pag-establish ng tulong para sa mga taong nasa evacuation centers at pamilya ng mga nasawi, these are the most important concerns right now, but later on of course investigation is necessary.” Pahayag ni Chiong
300 pamilya inilikas kasunod ng pagguho sa Naga City Cebu
Samantala, inilikas na ang hindi bababa sa 300 na mga pamilya mula sa mga landslide prone area sa Naga City, Cebu kasunod ng nangyaring pagguho ng lupa doon.
Ayon kay Naga City Councilor Carmelino Cruz, pansamantalang nanunuluyan ang mga inilikas na residente sa itinayong evacuation center sa Enan Chiong Activity Center.
Una nang inirekomenda ng Naga City Disaster Risk Reduction and Management ang pagpapatupad ng force evacuation dahil sa peligrong kinahaharap sa nabanggit na lugar.—Krista de Dios
(Ratsada Balita Interview)