Umabot sa 23 bata ang nagpositibo sa Hand, foot and mouth disease (HFMD) sa Pangasinan.
Ito ang naitala mula Hunyo hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan ayon sa City Health Office.
Ayon kay Dr. Ophelia River, City Health Officer ng Dagupan City, mabilis kumalat ang naturang sakit na sanhi ng Coxsackie Virus na nakukuha sa maruming paligid.
Sintomas ng sakit ay ang pagkakaroon ng blisters o singaw sa palibot at loob ng bibig, kamay at maging sa paa. May sore throat at lagnat ang pasyente.
Ilan naman aniya sa paraan para makaiwas sa sakit ay ang palagiang paghuhugas ng kamay at pagpapalakas ng resistensya sa pamamagitan ng pagkain ng mga prutas at gulay.