Aabot sa 23 Thai Nationals na nagtatrabaho sa isang POGO Company ang nailigtas ng mga otoridad sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Southern Police District Director, Police Brigadier General John Kirby Kraft, lumapit sa kanilang tanggapan ang embahada ng Thailand upang i-report na mayroong mga Thailander na nagtatrabaho ng sobra sa oras at hindi binabayaran ng overtime pay.
Kinuha rin ng kanilang employer ang kanilang passport kaya hindi sila makaalis agad.
Pahayag pa ng embahada ng Thailand, ni-recruit ang mga biktima sa kanilang bansa at pinangakuan ng malaking sahod kung magtatrabaho sa Pilipinas.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Thai Embassy ang mga biktima habang naibalik na rin ang kanilang passport.
Patuloy namang bineberipika ng pnp kung lehitimo ang nasabing POGO company na hindi na sinampahan ng kaso ng Thai embassy.