Humigit kumulang 23,000 mga Filipino seafarers ang inaasahang magbabalik bansa simula ngayong buwan hanggang Mayo.
Kasunod ito ng paghinto sa operasyon ng mga cruise ships sa buong mundo dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Chief Hans Leo Cacdac, mahigit 10,000 mga Filipinong marino na ang nailikas ng pamahalaan at pansamantalang pinatutuloy sa iba’t-ibang hotel sa Metro Manila.
Kaugnay nito, nanawagan si Cacdac sa publiko na huwag i-discriminate ang mga umuwing Filipino seafarers na kasalukuyang nasa mga hotels para sa sumailalim sa 14 day self-quarantine.
Ito ay matapos silang makatanggap ng impormsyon na tinututulan ng ilang mga residente sa Makati ang pagtuloy ng mga nabanggit na Filipino seafarers sa dalawang hotel sa lungsod.
Samantala, tiniyak naman ni Cacdac na makatatanggap ng tulong pinansiyal mula sa Department of Labor and Employment at OWWA ang mga napauwing mga Filipinong marino.