Ipinag-utos na ni PNP Chief Director General Ronald ‘ Bato’ dela Rosa sa lahat ng himpilan ng pulisya sa buong bansa ang 24 oras na checkpoint operations at pagpapatrolya kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Dionardo Carlos, layon nitong paigtingin ang checkpoint operation ng pulisya upang mapigilan ang mga banta ng terorismo.
Sinabi ni Carlos na inatasan na ng PNP Chief ang lahat ng local PNP commanders na makipag-ugnayan sa kanilang AFP counterparts para sa pag-oorganisa ng kinakailangang puwersa para sa 24 oras na checkpoint.
Kasabay nito, nanawagan aniya si Dela Rosa sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa isinasagawang mga checkpoint.
Matatandaang naging kaliwa’t kanan ang checkpoint sa buong bansa matapos isailalim ng Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa sa state of lawlessness dahil sa nangyaring pambobomba sa Davao City na ikinasawi ng 14 katao.
By Ralph Obina
Photo Credit: AFP