Inilikas na ng mga awtoridad sa Brazil ang aabot sa dalawampu’t apat na libong (24,000) mga residente sa bahagi ng Brumadinho sa Minas Gerais State.
Kasunod ito ng pangambang posibleng gumuho ang isa pang dam ng Vale Facility bunsod ng pagtaas sa dangerous level ng tubig dito.
Ayon sa Brazil State Fire Department, tinututukan nila ngayon ang pagpapalikas sa iba pang mga residente sa lugar at pansamantalang isinantabi ang search operation sa daan-daan pang nawawala matapos ng naunang pagguho ng isa pang dam doon.
Sa pinakahuling tala ng Brazil State Fire Department, aabot na sa tatlumpu’t pitong (37) labi ang kanilang narekober sa nangyaring pagguho ng dam sa isang iron mine sa nabanggit na bansa noong Biyernes.
—-