Muling nilinaw ni LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board Member at Spokesperson atty. Aileen Lizada na hindi tuluyang aalisin ang mga jeepney sa mga kalsada sa ilalim ng transport modernization program.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation hinggil sa transport modernization, binigyang diin ni Lizada na walang inilabas na memorandum ang LTFRB hinggil sa jeepney phaseout dahil ang tanging layunin nito ay ayusin ang buong sektor.
Pero sa panig naman ni House Committee on Transportation Chairman at Quezon City Rep. Cesar Sarmiento, nagkaroon ng miscommunication hinggil sa transport modernization dahil inakala ng mga transport group nuong nakalipas na tigil pasada na ipa-phase out na ang mga jeepney bago matapos ang taon.
Kasunod nito, nilinaw naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra na ang binigay na ultimatum ng Pangulo na hanggang Enero 2018 para sa mga transport group ay para lamang mamadali ang proseso ngunit hindi aniya agad-agad tatanggalin sa mga kalsada ang mga lumang jeepney.