Inihahanda na ng susunod na liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipatutupad nitong 24/ 7 na pagtugis sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Ayon kay incoming AFP Chief of Staff Lt. General Ricardo Visaya, kanya itong ipatutupad pag-upong pagka-upo sa pwesto sa Hulyo 1.
Plano ni Visaya na ihiwalay sa civilian community ang mga bandido upang maputol aniya ang suportang nakukuha ng Abu Sayyaf.
Ito ay para na rin aniya walang sibilyan ang madamay sa mga ilulunsad na operasyon ng militar laban sa ASG.
Binigyang diin ni Visaya na may dalawang pagpipilian lamang ang Abu Sayyaf sa ilalim ng administrasyong Duterte, ito ay ang makipag-usap o makipaglaban.
LGU’s
Samantala, inamin ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na mayroong ilang lugar na nahihirapan silang magsagawa ng operasyon laban sa Abu Sayyaf, dahil sa mga opisyal ng LGU’s.
Ipinaliwanag ni Padilla, na tila nabili na din ng mga rebelde ang mga residente, dahil sa mga ibinibigay na serbisyo ng mga ito na hindi nakukuha mula sa pamahalaan.
Dahil dito, muling hinimok ni Padilla ang publiko na suportahan ang kanilang “no ransom policy” upang mas mabilis na matuldukan ang pangki-kidnap ng mga rebelde na nagmistulan nang isang industriya.
Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla
Trilateral talks
Tiniyak ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na minamadali na ang trilateral talks kasama ang defense ministers ng Indonesia at Malaysia.
Ayon kay Padilla, ito ay para sa pagbabantay sa bahagi ng karagatan na sakop ng tatlong bansa, kung saan marami ang dinudukot ng mga rebelde.
Binigyang diin ni Padilla na mahalaga ang pagsasanib puwersa ng tatlong bansa para masigurong hindi na makakalusot ang mga rebelde.
Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla
By Ralph Obina | Katrina Valle | Karambola