Nais ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na magpatupad ng lockdown sa 25 mga barangay sa Quezon City.
Ayon kay Nograles, nais niyang maisailalim sa special concerns ang 25 mga barangay na pawang malaki ang populasyon, gayundin ang bilang ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases.
Sa kasalukuyan, nagpapatupad ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ng ‘special concern lockdown’ sa ilang lugar tulad ng Batasan Hills, Culiat, Fairview, Tatalon, Sauyo, Bahay Toro, Kamuning, Roxas, Bagbag, Baesa, at Kaligayahan.
Pero ayon kay Nograles, gusto rin niyang alamin ang sitwasyon sa ibang mga lugar gaya ng sa Tandang Sora, Commonwealth, Holy Spirit, Novaliches Proper, Pasong Tamo, Crame, Payatas, Socorro, Matandang Balara, Pinyahan, at San Roque.
Magugunitang si Nograles ang itinalagang gabinete na tumutok sa COVID-19 response sa Quezon City.
Samantala, sa pinakahuling datos, nasa 8,240 na ang kabuuang bilang ng mga dinadapuan ng COVID-19 sa lungsod.