25 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Ompong nitong Sabado.
Ayon kay Political Adviser Sec. Francis Tolentino, 20 ang nasawi sa Cordillera Administrative Region, apat mula sa Nueva Vizcaya at isa mula sa Ilocos Sur.
Dagdag pa ni Tolentino, walang naitalang nasawi sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela kung saan unang naglandfall si Ompong.
Matatandaan na itinalaga ni Pangulong Duterte si Tolentino bilang point person sa isinasagawang assessment ng pamahalaan sa pinsalang idinulot ng nasabing bagyo.
Tolentino: Ang Cagayan at Isabela, casualty free, sa Cordillera, na tinaman ng landslide, 20 na ang casualty, Nueva Vizcaya, 4 patay. Sa Ilocos Sur, isa.
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 16, 2018
Pangulong Duterte, nakatakdang bumisita sa hilagang Luzon
Samantala, nakatakdang bisitahin naman ng Pangulo ngayong araw ang mga lalawigang matinding hinagupit ng bagyong Ompong.
Gayunman, tumangging si Presidential Spokesman Harry Roque na idetalye ang mga pupuntahang lugar ng Pangulo.
Subalit, ibinunyag naman ni Special Assistant to the President Cristopher Bong Go na magsasagawa ng aerial inspection ang Pangulo sa mga lalawigan ng Cagayan at Ilocos Norte ngayong tanghali.
Una rito, maraming flights ang nakansela papunta at pabalik ng Tuguegarao, Cagayan mula maynila makaraang masira ang paliparan dito nang mag-land fall ang bagyong Ompong sa Baggao.