Magpapatupad ng bagong polisya ang Transport Network Company na Grab Philippines sa kanilang mga driver-partners.
Ito’y sa harap na rin ng kaliwa’t kanang reklamo ng mga pasahero tulad ng magaspang na pakikitungo ng mga ito, hindi makatuwirang kanselasyon sa booking at sabay-sabay na pag-o-offline para magkaroon ng price surge sa kanilang pasahe.
Ayon kay Brian Cu, country head ng Grab Philippines, epektibo sa Biyernes, Abril 26, hindi na makikita ng mga Grab drivers ang destinasyon ng mga pasahero hangga’t hindi nila iyon tinatanggap.
Magpapatupad din ang Grab ng auto-accept feature sa kanilang application kung saan, mismong ang Grab na ang tatanggap sa mga booking requests ng pasahero.
Unang makararanas nito ang 25 porsyento ng mga Grab drivers na may mababang acceptance rate.