Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs o DFA ang pagdating sa bansa bukas ng 25 Pinoy mula sa Syria.
Ang pag-uwi ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) ay alinsunod sa mandatory repatriation program ng DFA na ipinatupad matapos ideklara ang alert level 4 sa Syria kasunod na pagsiklab ng digmaang sibil sa nasabing bansa.
Samantala, patuloy pa rin namang nakikipag-ugnayan ang embahada sa Syrian Ministry of Foreign Affairs and expatriates at sa mga kaanak ng mga Pinoy na nasa Pilipinas para kumbinsihin ang iba pang OFW na umuwi na.
Kaugnay nito, para sa mga Pinoy na nais humingi ng tulong sa embahada, maaaring kontakin ang kanilang tanggapan sa pamamagitan ng kanilang mobile phone number na 00963-11-613-2626 o mag-email sa pe.damascus@gmail.com.
Sinabi ng DFA na aabot na sa halos 6,000 OFW ang nailikas nila mula sa Syria na nagsimula pa noong 2011.
By Len Aguirre | Allan Francisco