Pumalo na sa mahigit 50,000 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay makaraang makapagtala pa ng panibagong 2,539 na kaso ngayong Miyerlules —sa ngayon, ang pinakamaraming kasong naitatala sa loob lamang ng isang araw.
Sa naturang bilang, 1,922 sa mga ito ang itunuturing na “fresh” cases, habang ang 617 naman ay mga “late” cases.
Nadagdagan din ng lima ang bilang ng mga nasawi kaya’t sumampa na sa 1,314 ang bilang ng COVID-19 death toll sa bansa.
Sa kabila nito, dumami rin ng 202 ang bilang ng mga gumaling mula sa virus kaya’t umakyat na sa kabuuang 12,588 ang mga naka-recover.
Samantala, mula sa mga naturang bilang ng “fresh” cases, 833 sa mga ito ay mula sa Metro Manila, 369 ay mula sa Region VII, habang ang nalalabing 670 pasyente ay nagmula sa iba-ibang bahagi na ng bansa.
Nasa 183 naman mula sa mga “late” cases ang nagmula rin sa Metro Manila, 74 mula sa Region VII, habang ang natitirang 360 ay kalat na mula sa buong bansa.
Sa ngayon, mayroong 36,457 active cases sa bansa na kasalukuyang ginagamot at naka-quarantine.
Nananatili naman ang Pilipinas na pangalawa sa may pinakamaraming naitatalang COVID-19 cases sa Southeast Asia.