Nakalaya na ang dalawampu’t anim (26) na bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) na nabigyan ng pardon at commutation of sentence ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, dalawampu’t pito (27) ang dapat na makakalaya subalit sumakabilang buhay ang isa sa mga bilanggo na kinilala niyang si Rogelio Malagutnot.
Sa dalawampu’t anim (26) na pinalayang bilanggo, apat dito ang binigyan ng executive clemency samantalang ang dalawampu’t tatlo (23) ay pinaigsi naman ang sentensya.
Sa ngayon anya ay may mahigit isandaang (100) pangalan pa ang pinag-aaralan ng tanggapan ng Pangulo para mabigyan ng executive clemency o commutation of sentence.
Isang maliit na programa ang inihanda ng NBP para sa mga pinalayang inmates na dinaluhan ni Aguirre.
Isa sa mga nabigyan ng pardon malaki ang naging pasasalamat kay Pangulong Duterte
Malaki ang pasasalamat ni Mang Roger Javellonar, sa Pangulong Rodrigo Duterte ang isa sa mga nabigyan ng pardon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa New Bilibid Prison o NBP.
Sinabi ni Mang Roger na nakulong siya dahil sa kasong murder, na ayon sa kanya, hindi naman niya ginawa.
“Mahal na Pangulo si Duterte kami ay nagpapasalamat sayo dahil ang magandang kinabukasan at magandang binigay mo sa amin sa paglaya sa taong ito at inaasahan namin sana lahat ng mga inmates na kasama ko dito ipagpatuloy yung mensahe, dahil yung mga taong nandito sa loob nakakulong na ng matagal, marami nang matatanda mas matanda pa sa akin na kung minsan hindi na makalakad yung iba”
Ayon kay Mang Roger, sa kanyang paglaya ay tututukan niya ang pagtulong sa kaniyang pamilya, lalo na at umabot na sa 12 ang bilang ng kanyang apo.
“Pagka-lumaya ako Sir maghahanap ako ng trabaho ng maayos para matulungan ko ang aking mga mahal sa buhay lalong-lalo na yung mga apo ko dahil marami na ang apo ko, 12 na, na yung iba hindi ko pa nakikita”
By Len Aguirre / Katrina Valle | Report from Bert Mozo (Patrol 3)
Photo Credit: PTV