Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang biyaheng Cubao-Baguio ng 26 na bus units ng Victory Liner makaraan ang kinasangkutang aksidente ng isang unit nito sa La Union kamakailan na ikinasawi ng tatlong indibidwal.
Matatandaang sumalpok sa isang puno ang isang bus nito sa Pugo, La Union habang bumibiyahe patungong Cubao, Quezon City nito lamang Enero 3.
Habang suspendido ng 30 araw, ipinag-utos ng LTFRB na isasailalim sa Road Safety Seminar ng Land Transportation Office ang mga tsuper na nakatalaga sa mga bus na suspendido.
Kinakailangan namang iharap ng kumpanya ang katibayan ng financial assistance at kabayaran ng insurance company sa mga nasawi sa aksidente.
Kaugnay nito, pinagpapaliwanag din ng LTFRB ang Victory Liner kung bakit dapat mabawi ng ahensya ang Certificate of Public Convenience ng mga unit nito. —sa panulat ni Hannah Oledan