Naghahanap ang European Space Agency (ESA) ng 26 na permanent at reserve astronauts para sa misyon nito patungong buwan at sa planetang Mars.
Ayon kay ESA Head of Talent Acquisition Lucy van der Tas, inaasahan nilang daragsa ang magpapasa ng aplikasyon sa loob ng walong linggo recruitment drive nito na magsisimula sa March 31.
Aniya, sinomang matatanggap ay daraan sa matinding six stage selection process na aabutin hanggang Oktubre ng susunod na taon.
Kinakailangan aniyang mentally prepared ang bawat kandidato dahil hindi madali ang mga pagdaraanang proseso.
Kaugnay nito, hinikayat ng ESA na mag-apply ang mga kababaihan na gustong maging astronauts.
Samantala, tinitingnan din ng ESA ang mga kaparaanan upang mabigyan ng oportunidad ang mga may kapansanan na nagnanais ding maging astronaut.
Sinomang interesadong aplikante ay maaaring mag-apply sa ESA Career website oras na umarangkada na ang aplikasyon sa Marso.
Matatandaang 11 taon rin ang nakalipas bago muling maghanap ang ESA ng mga bagong astronauts.—sa panulat ni Agustina Nolasco