Umabot na sa dalawamput anim (26) na bilanggo ang nasawi dahil sa siksikang mga kulungan sa Metro Manila mula lamang noong Hunyo ng nakaraang taon.
Ayon kay Chief Superintendent Oscar Albayalde, hepe ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO), labing walo (18) sa mga nasawing bilanggo ay mula sa kulungan ng Taguig Police Station.
Sinabi ni Albayalde na umaabot sa dalawandaan (200) ang nakakulong sa bilangguan ng Taguig Police Station samantalang hanggang animnaput dalawa (62) lamang ang kapasidad nito.
Dahil dito, minabuti anya nilang ilipat muna ang maraming bilanggo sa pansamantalang kulungan sa Camp Bicutan hanggat hindi pa nagde-desisyon ang Korte kung saan sila permanenteng makukulong.
Kaugnay nito, nanawagan sa kinauukulan si Albayalde na gawan ng paraan ang mala sardinas na kondisyon ng mga kulungan sa mga himpilan ng pulisya.
By Len Aguirre