Pumalo sa 267 na mga suspek sa pagnanakaw ng kable ang kinasuhan mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng isang telco at mga awtoridad laban sa krimen na ito na nakaaabala sa serbisyo sa milyun-milyong kustomer.
Ayon sa Bantay Kable at Quick Response Team ng Globe, 232 sa mga ito ay kinasuhan dahil sa pagnanakaw ng copper cables, fiber optic cables, at manhole covers. Ang tatlumpu’t limang iba pa ay kinasuhan sa pagnanakaw naman sa mga unmanned cell sites, kabilang ang ilang third-party contractors.
Ito’y senyales na talagang talamak ang pagnanakaw ng kable. Easy money kasi ito dahil nasa P450 hanggang P470 na ang bentahan ngayon ng copper cable sa mga junkshop.
At siyempre, alam naman natin na ang epekto nito ay mawawalan ng internet ang mga gumagamit ng telcos at cable operators.
Nito lamang Hulyo 6, isang araw lamang at sa magkaibang lugar, apat na agad ang naaresto dahil sa pagkakasangkot sa pagnanakaw ng kable.
Sa Tanza, Cavite, tatlong kalalakihan ang timbog sa isang entrapment operation matapos magbenta ng limampung kahon ng kable ng Globe na nagkakahalaga ng P129,000.
Sa Quezon City naman, isang lalaki ang huli sa pagnanakaw ng Bayantel copper wires kaya’t mas pinaiigting ngayon ng telco ang Bantay Kable campaign nito kasama ang pulisya, mga barangay tanod at LGUs.