27 mga opisyal mula sa dalawang (2) units ng Philippine National Police – Civil Security Group (PNP-CSG) ang sinibak at inilagay sa floating status.
Ito ay kasunod ng ipinatupad na balasahan ni PNP-CSG director Police Major General Roberto Fajardo Jr. sa Firearms and Exclusives Office (FEO) at Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA).
Kabilang sa mga sinibak sina: Police Lt. Col. Noli Asuncion, Police Lt. Col. Lorenzon Cobre, at Police Lt. Col. Omer Cuadro ng FEO; sina Police Lt. Col. Ali Jose Duterte at Police Lt. Col. Antonio Bilon ng SOSIA; gayundin ang mga section chiefs ng mga nabanggit na unit.
Ayon kay Fajardo, bigo pa rin ang mga nabanggit police officials na sugpuin ang katiwalian sa kani-kanilang units tulad ng tinatawag na ‘piso click transaction’ o panghihingi ng padulas para sa mabilis na pagproseso ng pagkuha ng permit at lisensiya.
Dagdag ni Fajardo, may ilang mga tauhan din aniya ng SOSIA ang hindi pumapasok dahil suma-sideline bilang consultant sa iba’t ibang mga security agency.
Binigyan naman ng ultimatum ni Fajardo ang mga nabanggit na unit na ayusin ang kanilang hanay sa loob ng tatlong (3) buwan bago muling magpatupad ng balasahan —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).