Nakumpleto na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa halos 30 mga emergency quarantine facilities sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief at Navy Captain Jonathan Zata, pinangunahan ng AFP office of the chief engineer sa pamumuno ni M/Gen. William Ilagan ang pagtatayo ng mga emergency quarantine facility.
Katuwang ng AFP engineering service dito ang WTA Architecture and design Group, San Miguel Foundation at iba pang mga nagmagandang loob para isakatuparan ang nasabing proyekto.
Inabot lang ng lima hanggang anim na araw ang may 20 sundalo para itayo ang bawat isang EQF gamit ang apat na trak ng materyales gayundin ng mga power tools.
Sampu sa mga pasilidad ay itinayo ng AFP sa iba’t-ibang military hospital sa Metro Manila, Cavite at Batangas habang ang siyam ay itinayo sa mga pribadong ospital sa ilang bahagi ng Metro Manila at Bulacan.
Mayroon ding 10 pasilidad na itinayo sa iba’t-ibang panig ng Visayas at Mindanao tulad sa Cebu, Davao City, Zamboanga City habang may isa rin sa bahagi ng Palawan.