Sugatan ang 29 na katao sa Zamboanga City matapos magkaroon ng stampede sa pila sa pagkuha ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa Zamboanga LGU, kabilang sa mga nasugatan ang 2 lalaki at 27 babae na nadaganan ng mga nag-uunahang makapasok sa gate ng City Coliseum.
Nabatid na noong gabi pa ng Biyernes pumila ang karamihan sa mga mag-aaral upang makakuha ng ayuda.
Samantala, ganito rin ang naranasahan sa pagkuha ng educational assistance sa Bacolod City kung saan halos buong araw kahapon na nagkagulo ang mga tao.
Reklamo ng mga pumila, walang maayos na sistema sa pamamahagi at wala ring humarap sa mga tao upang magpaliwanag.
Kada Sabado hanggang Setyembre 24 magtatagal ang pamamahagi ng educational assistance sa bansa.