Tuluy-tuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa 29 na Pilipinang na-rescue matapos mabiktima ng human trafficking sa Sarawak, Malaysia.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ililipat sa women’s shelter sa Kota Kinabalu ang mga nasagip na babaeng matapos payagan ng korte roon.
Kaugnay nito, ipinaalala naman ng Embahada ng Pilipinas sa Malaysia na maging mapanuri at mapagmatyag ang lahat ng mga Pilipino at huwag makikipagusap sa mga hindi lisensiyadong indibidwal lalo na online upang maiwasang mabiktima ng human trafficking.
Ayon sa Embahada, dapat munang i-verify sa POEA, sa Embahada, o sa Philippine Overseas Labor Office ang mga job offer at ang mga ahensiya na nag-aalok ng trabaho.
Nabatid kasi ng Philippine Embassy sa Malaysia na may mga Pinoy na ipinapapasok ng ilang recruitment agency sa Malaysia bilang mga turista at kapag naroon na ay saka na ipapasok sa trabaho kapalit ng salapi.
By: Avee Devierte