Pinuri ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares ang napipintong pagpapatupad ng P1,000 pension hike para sa mga SSS pensioner.
Kasunod na rin ito ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kautusan hinggil sa pagtataas ng pensyon na sinasabing sisimulan na ang pagbibigay sa susunod na buwan.
Sa panayam ng programang Ratsada Balita, sinabi ni Colmeranes na kahit na nakalusot na ito sa ehekutibo ay patuloy nila itong babantayan at isusulong na maging batas sa Kongreso.
“We will still continue with the bill for the 2,000 increase sa Congress, hindi na namin yan bibitawan, na-file na yan, pero alam namin na hindi siya ganun kabilis, umokay na rin kami well kung ma-approve ng Presidente yung P1,000 agad eh ano pa bang masama doon? Ang kagandahan lang kasi ng batas eh, yun na yun eh. Fixed na yun, hindi na puwedeng baguhin pa.” Ani Colmenares
Gayunman, pasado na rin aniya sa kanila ang pagpayag ng Malacañang na ibigay na ang isang libong pisong (P1,000) dagdag na pensyon para sa senior citizen at ang gagawin na lamang aniya nila ngayon ay isulong na mapabilis naman ang pagpapatupad sa kasunod na isang libong pisong (P1,000) increase.
Idinagdag ni Colmenares na batay sa kanilang pag-aaral ay kakayanin naman ng SSS na maibigay ang dalawang libong taas sa pension kung maisasaayos ng ahensya ang kanilang kontribusyon at magpapatupad ito ng reporma.
“Kayang-kaya ng SSS ang 2,000, yung sagot nila na kapag magbigay kami ng 2,000 ay iiksi ang buhay namin, well yes oo iiksi nga kung wala kang gagawin, trabaho mong hanapan ng paraan na ma-replenish mo yun, mag-invest ka ng maayos, ayusin ang bonuses ng big time officials niyo at syempre yung collection ng clients mo na hindi nagbabayad.” Dagdag ni Colmenares
Muling iginiit ni Colmenares na hindi na kailangan pa ang dagdag sa kontribusyon ng mga kasalukuyang miyembro para mapondohan ang pension hike.
“Very reasonable ang Kongreso sa diskusyon na ito, ang unang gawin ninyo ay ayusin ang collection rate efficiency niyo, ‘pag kulang pa yan ayusin niyo din ang operating cost niyo, pangatlo ayusin niyo ang investment niyo, meron silang 16.5 billion pesos na asset na hindi nagagamit sabi ng COA, pang-apat kung kailangan ng subsidy ng gobyerno dapat mag-subsidize nasa batas naman yan eh, pang-lima lang ang dagdag-kontribusyon, hindi kami pumayag na pumunta sila sa pang-huli na hindi pa nila nagawa yung mga una, malay niyo kapag umayos ang collection rate efficiency niyo baka konti na lang ang kailangang contribution increase o baka hindi na kailangan. Ipakita niyo muna sa tao ang reforms.” Pahayag ni Colmenares
Matatandaan na plano ng pamahalaan na ipatupad sa 2020 ang kasunod na isang libong (P1,000) dagdag sa pensyon ng senior citizens.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview) | AR