Isa’t kalahating oras na naantala ang Pili-Pinas Debates 2016 sa University of the Philippines Cebu Campus kahapon.
Ito’y dahil sa usapin ng pagdadala ng notes ni Vice President Jejomar Binay na mahigpit na ipinagbabawal sa panuntunan ng Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa takbo ng debate.
Ngunit bago ito, inamin ni TV 5 News Chief Luchi Cruz Valdez na pinayagan nila si Binay na magdala ng notes o kodigo sa ikalawang yugto ng debate.
Batay na rin ito sa naging kahilingan ng kampo ni Binay sa pamamagitan ni Cavite Gov. Jonvic Remulla na makapagdala ng kanyang kodigo si Binay.
Subalit naghayag naman ng kanyang pagtutol ang iba pang kandidato sa pangunguna ni dating Interior Secretary Mar Roxas.
TV 5
Humingi na ng paumanhin si TV 5 News Executive at presidential debate moderator Luchi Cruz-Valdes sa isa’t kalahating oras na pagka-antala ng ikalawang Pili-Pinas presidential debate sa Cebu City.
Ito’y makaraang payagan ni Valdes ang kampo ni Vice President Jejomar Binay na maaaring magdala ng mga kodigo.
Ayon sa mamamahayag, nagkaroon lamang ng “miscommunication” hinggil sa rules ng COMELEC na bawal magdala ng mga kodigo o dokumento ang mga kandidato.
Aminado naman si Valdes na hindi sila naabisuhan sa rules ng poll body kahit pa inalam at ipinagtanong na niya ito ilang araw bago ang debate.
Nagpaliwanag na rin ang kampo ni Binay kaugnay sa issue at humingi rin ng paumanhin sa pagkaantala ng naturang aktibidad.
By Jaymark Dagala | Rianne Briones