O-obligahin ang ABS-CBN na ibigay sa gobyerno, kung kinakailangan, ang 10% ng paid advertisements sa ilalim ng provisional franchise na isinusulong ng Kamara para sa Kapamilya network.
Magugunitang nuong isang linggo ay lumusot sa committee level at ikalawang pagbasa ang House Bill 6732 na naglalayong bigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN hanggang October 31, 2020.
Ang panukalang ini-akda ni House Speaker Alan Peter Cayetano at pitong iba pang kongresista ay naglalayong mabigyan ng provisional franchise ang media giant para makabalik na ang operasyon nito habang tinatalakay ng Kongreso ang mga usaping nakapaloob sa nag paso nang prangkisa nito at magpasya kung bibigyan ng panibagong 25 year franchise ang Kapamilya network.
Samantala, binawi na ng Kamara ang ginawang pag-apruba sa ikalawang pagbasa sa nasabing panukala, na ayon kay Deputy Majority Leader Wilter Palma ay dahil marami pa sa mga Kongresista ang nais mag interpellate.
Dahil dito, muling binuksan ng Kamara ang perid of debates and amendments sa panukala.
Una nang kinuwestyon ni Albay Congressman Edcel Lagman ang legalidad nang naunang pag apruba sa bill nuong nakalipas na linggo.
Ito ay dahil ipinasa sa first at second reading ang naturang panukala sa parehong araw gayung nakasaad sa konstitusyon na ang isang bill ay dapat aprubahan sa tatlong pagbasa sa magkakahiwalay na araw maliban na lamang iung certified as urgent ng pangulo ng bansa.