Pormal nang nagbukas ang ikalawang regular na session sa mataas at mababang Kapulungan ng ika-17 Kongreso ng Pilipinas.
Kumpleto ang lahat ng senador maliban kay Senador Leila de lima na nakakulong ngayon sa Camp Crame.
Dumalo sa pagbubukas ng sesyon ng senado sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Executive Secretary Salvador Medialdea, Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Defense Secretary Delfin Lorenzana, NEDA Director General Ernesto Pernia at Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Ayon kay Pimentel, kabilang sa mga tututukan nila sa pagbabalik sesyon ang pagpasa sa panukalang Bangsamoro Basic Law, Tax Reform Bill, mas malakas na anti-terrorism bill at national ID system.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senate President Koko Pimentel
Samantala, ipinagmalaki naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang unang taon nila sa 17th Congress.
Ayon kay Alvarez, 210 legislative measures ang nakapasa hanggang third reading sa unang regular session ng Kongreso at record rin anyang maituturing ang mabilis nilang pagkakapasa sa 2017 national budget.
Tiniyak ni Alvarez na tututukan nila ngayon ang pagpasa sa BBL at pag-amyenda sa konstitusyon para bigyang daan ang federalismo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez
Alas-4:00 mamayang hapon, magtitipon ang dalawang kapulungan ng Kongreso para bigyang daan ang SONA o State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.
By Len Aguirre | ulat nina Cely Bueno at Jill Resontoc
Photo Credit: Senator @sonnyangara / Twitter