Pormal nang nagsimula ang ikalawang round ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines sa Oslo, Norway.
Nagharap sa isang mahabang lamesa ang mga kinatawan pamahalaan at NDFP na pinagigitnaan ni Elizabeth Slattum na siyang itinalagang special envoy for Philippine Peace Process ng Royal Norwegian Government.
Dito, binigyang diin ni GRP Negotiating Panel Head at Labor Secretary Silvestre Bello ang kahalagahan ng bilateral ceasefire.
Matatandaang bago ang unang round ng peace talks ay nagkusa na ang Pangulong Duterte na magdeklara ng unilateral ceasefire at indefinite ceasefire.
Ito ay sinundan naman ng indefinite ceasefire ng NDF na nananatiling epektibo hanggang sa ngayon.
Ayon kay Bello malaking tagumpay nang maituturing na bagamat kanya-kanya ang indineklarang tigil-putukan ay wala pa aniyang lumalabag dito mula sa magkabilang panig.
Kasabay nito, tiniyak ni Bello na gagawin nila ang lahat upang umabot ang usapan ng dalawang kampo sa final peace agreement.
400 political prisoners
Palayain ang mahigit 400 political prisoners.
Ito ang inilatag na kondisyon ng National Democratic Front of the Philippines sa pagbubukas ng ikalawang round ng peace talks sa Oslo Norway para maipatupad ang bilateral ceasefire na hinihingi naman ng pamahalaan.
Ayon kay bagong NDF Peace Panel Chair Fidel Agcaoili, ang pagpapalaya at pagbibigay amnestiya sa mga political prisoners ay pagtugon sa joint agreement on safety and immunity guarantees o JASIG at comprehensive agreement on respect for human rights and international humanitarian law o CARHRIHL.
Ipinaalala ni Agcaoili na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-alok ng amnestiya sa mga political prisoners noong Mayo 2016 matapos mapag-usapan ang ukol sa pagbuhay ng usapang pangkapayapaan.
Nanindigan si Agcaoili na ang pagpapalaya sa mahigit 400 political prisoners ay di lamang ukol sa hustisya kundi pagtalima na rin sa CARHRIHL.
By Ralph Obina
Photo Credit: OPAPP