Ipinagpatuloy ngayon ang ikalawang oral arguments para sa mga petisyong kumokontra sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Unang humarap para idepensa ang panig ng pamahalaang pumayag na ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos si Solicitor General Jose Calida.
Binigyan din ng limang minuto ang mga tagapagmana ni Marcos na magbigay ng kanilang depensa.
Ayon kay Calida, ang kontrobersya sa libing ni Marcos ay hindi sakop ng judicial review dahil maituturing itong pangingialam sa executive power.
Mayroon anyang residual powers ang Pangulo ng bansa at ang kapangyarihang ito ang ginamit ni dating Pangulong Fidel Ramos noon upang baliktarin ang pasya ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino na huwag pabalikin sa Pilipinas ang labi ni Marcos.
Sinabi ni Calida sa mga mahistrado ng Supreme Court na kung iginalang noon ng korte ang residual powers ng mga nagdaang pangulo ng bansa, marapat lamang sigurong igalang rin ito ngayon sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
By Len Aguirre
Photo Credit: SC PIO