Tinapos ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapakawala ng 1-2 punch combination laban sa China sa isinagawang oral argument ng kasong isinampa laban sa China sa Arbitral Tribunal ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands.
Sa pag-uulat ni Deputy Presidential Spokesperson Usec. Abigail Valte, miyembro ng Philippine delegation, iniharap ng Pilipinas sa ikatlong araw ng oral argument ang 2 expert witnesses na sina Professors Kent E. Carpenter, Ph.D., at Clive Schofield, Ph.D.
Ipinaliwanag ni Paul Reichler, principal counsel ng Pilipinas sa Tribunal na ang dalawang indibiduwal ay “independent experts” na may kakayahang magprisinta ng kanilang analysis base sa kanilang “areas of specialization”.
Argumento
Pinapatay ng China ang marine life o mga yamang dagat dahil sa reclamation activities sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ng delegasyon ng Pilipinas sa ikatlong araw ng presentasyon ng merito sa UN Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands kaugnay sa reklamong pangangamkam ng China sa mga isla sa West Philippine Sea.
Sa presentasyon ni Professor Alan Boyle, ipinakita nito ang pinsalang ginagawa ng China sa marine ecosystem sa West Philippine Sea at kung hindi pipigilan ay isang malaking banta sa mga yamang dagat sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Iginiit ni Boyle na patuloy na nilalabag ng China ang obligasyon nito sa UN Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na protektahan ang mga yamang-dagat dahil bukod sa blast at cyanide fishing, pinapabayaan din nito ang pagkuha ng giant clams pati na ang paghuli ng mga pawikan at iba pang matatawag na endangered species.
Samantala, sinabi naman ni Professor Kent Carpenter ng Department of Biological Science at The Old Dominion University in Norfolk, Virginia na maituturing na mapaminsala sa marine life ang patuloy na konstruksiyon ng mga pasilidad ng China sa West Philippine Sea.
By Mariboy Ysibido | Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)