Sa kabila ng samu’t saring isyu at problemang gumimbal sa ating mga kababayang Overseas Filipino Worker (OFW) ngayong taon, may dapat pa rin umanong ipagpasalamat ang mga ito.
Ito’y bunsod ng inanunsiyong good news ng Kapisanan ng mga Kamag-anak at Migranteng Manggagawang Pilipino Inc. o KAKAMMPI para sa mga OFW.
Sa Second Symposium on Migration, Peace and Dev’t sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ni KAKAMMPI President Luther Calderon na ilan sa mga good news ding sumentro sa OFW’s ay ang pagtaas ng sweldo ng mga caregiver sa Taiwan.
Aniya, tumaas ito mula sa dating 15,000 Taiwan dollars patungo sa 17,000 Taiwan dollars.
Gayundin aniya ang pagtaas ng suweldo ng mga Pinoy migrant workers sa Hong Kong.
Nagbukas din umano ng pinto ang Japan para sa mga Pinoy housekeepers ngayong taon.
Bukod dito, good news ding maituturing ang pagtanggal sa decking referral system na siyang medical clinics na pinupuntahan ng mga OFW na nagtutungo sa Middle East.
Ayon kay Calderon, ngayong taon din nagkaroon ng isang sentralisadong kasunduan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng DFA, DOLE, POEA, DSWD, at iba pa para tumutok sa sitwasyon ng mga Pinoy workers.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco