Tatlong ahensya ng gobyerno ang posibleng matapyasan ang budget para sa susunod na taon.
Kabilang dito ayon kay House Appropriations Committee Chair Karlo Nograles ang DICT, DAR at DOTR.
Sinabi ni Nograles na mayruon na silang standby fund na 37.5 Billion Pesos na ikakaltas sa budget ng mga nasabing ahensya at magiging available ito sa pamamagitan ng supplemental budget sakaling magkulang pa ang kinakailangang pondo para suportahan ang Free Tertiary Education Law.
Ipinabatid ni Nograles na mayruong 2. 7 Billion Pesos na hindi nagamit na pondo ang DICT nuong 2016 at halos 2. 7 Billion Pesos naman nuong 2017.
Bigo naman aniya ang DAR na magamit ang 6 na Bilyong Pisong pondo mula sa kanilang 2015 budget at 5 Bilyong Piso nuong 2016.
Samantala hindi naman nagamit ng DOTR ang 33 Billion Pesos nuong 2015 at 30 Billion Pesos nuong 2016.
Nakasaad sa Republic Act 10931 o Universal Access to Tertiary Education Act ang libreng matrikular para sa mahigit 100 State Universities and Colleges, 16 na Local Universities ang Colleges at 22 Technical Vocational Institutions sa ilalim ng TESDA o Technical Education and Skills Development Authority.
Inihayag naman ng CHED na hihigpitan pa nito ang admission policies sa mga State Universities ngayong natukoy na ng house panel kung saan kukunin ang 16 Billion Pesos para sa enrollment sa first semester ng susunod na school year 2018-2019.
By: Judith Larino
SMW: RPE