Tatlong anggulo ang tinitignang motibo ng pulisya sa pagpatay sa dating alkalde ng Medellin, Cebu.
Ayon kay Police Lt. Col. Eloveo Marquez, tagapagsalita at chief investigator ng Cebu Provincial Police Office, posibleng may kinalaman sa negosyo, personal na galit o pagkakasangkot sa iligal na droga ang motibo sa pagpatay kay dating Medellin Mayor Ricardo Ricky Ramirez.
Sinabi ni Marquez, kumpirmadong gumagamit ng droga si Ramirez matapos makakuha umano ng drug paraphernalia sa bahay nito nang maaresto ito sa kasong illegal possession of fire arms noong 2017.
Una na rin tiniyak ni PNP spokesperson Police Col. Bernard Banac na kanilang bibigyan ng hustisya ang pagpatay sa dating alkalde.
Magugunitang naka-hospital arrest si Ramirez sa Bogo-Medellin Corporation Medical Center nang salakayin ng nasa 15 armadong lalaki ang nasabing ospital at pagbabarilin ito.
NBI handang tumulong sa imbestigasyon
Nakahandang tumulong ang National Bureau of Investigation sa imbestigasyon ng pagpatay kay dating Medellin, Cebu Mayor Ricardo Ramirez sa loob ng ospital.
Ito ang tiniyak ni Justice secretary Menardo Guevarra, bagama’t ipinauubaya na nila sa Cebu Provincial Police Office ang paghawak sa kaso.
Ayon kay Guevarra, sakaling kailanganin ng tulong ng PNP handa silang asistihan ang mga ito o kaya’y magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.
Una nang ikinalarma ng PNP Cebu ang nagyaring pagpatay kay Ramirez kung saan sinalakay ng nasa 15 armadong kalalakihan ang pribadong pagamutan kung saan ito naka-hospital arrest noong Martes.
Dinis-armahan ng mga ito ang guwardiya ng ospital at jail officer ng BJMp na nakatalagang magbantay sa dating alkalde.