Umarangkada na ang tatlong araw na bicameral conference committee hearing para sa Bangsamoro Basic Law o BBL.
Nagkakaisa ang Senate at House bicam panels na bagamat igigiit nila ang kani-kanilang bersyon, kailangan anilang tiyakin na naaayon ang mga ito sa konstitusyon.
Kabilang sa mga probisyon na posible umanong magkaruon ng mainit na pagtatalo ay ang bersyon ng Senado na nagpapatupad ng ban sa political dynasty.
Walang sinasabi tungkol sa political dynasty ang bersyon ng House of Representatives subalit, tutol naman sa ban ang Bangsamoro Transition Commission.
Kailangan ring pagkasunduan ng dalawang panel kung bahagi ng Bangsamoro territory ang Palawan, batay sa kasaysayan.
Target ng Senado na tapusin sa loob ng tatlong araw ang bicameral conference committee hearing sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, head ng Senate panel, may baon silang ‘win-win’ solution para sa mga kontrobersyal na probisyon ng BBL.
Una rito, pinayuhan ni Senate President Tito Sotto ang Senate panel na ayusin muna ang mga probisyong madaling mapagkasunduan bago pag usapan kung paano pag iisahin ang bersyon ng Kamara at Senado sa mga kontrobersyal na probisyon ng BBL.
Marathon hearing ang isinasagawa ngayon hanggang bukas ng House at Senate bicam panel at target nilang malagdaan ang bicam report sa Miyerkoles.
Isa ang BBL sa mga nais na ireport ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA.
(Ulat ni Cely Bueno / Jill Resontoc)