Sumuko sa tauhan ng Joint Task Force Sulu ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group kabilang na ang isang kidnapper nito.
Kinilala ni 6th Special Forces Battalion Commander Lt/Col. Rafael Caido ang sumukong kidnapper na si alyas “Dexter” na tubong Patikul sa Sulu.
Sinasabing sangkot si alyas Dexter sa pagdukot ng mga Indonesian seafarers na sakay ng isang bangkang pangisda sa karagatang sakop ng Malaysia noong Enero ng taong ito.
Magugunitang nagsagawa ng joint operation ang puwersa ng army, navy at air force sa Sulare Island, Parang, Sulu noong Enero 18 kung saan napatay ang ilang bandido.
Inamin ni Dexter na kasama siya sa grupo ng mga kidnapper subalit hindi umano niya alam noong panahon na iyon na magsasagawa sila ng pagdukot.
Samantala, sumuko rin ang dalawa pang miyembro ng Abu Sayyaf Group na kinilalang sina Albasir Salim alyas Abu Sadad na tauhan ng napatay na ASG sub-leader na si Sibih Pisih at Edwin alyas Splakang Panduga Abdulmain na nasa ilalim naman ni ASG subleader Ekoh Udjaman.
Kasamang isinuko ng 3 ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang M1 carbine, isang G1 battle rifle at isang M1 grand rifle.