Inaalam na ng Department of Health o DOH ang sinasabing ulat mula sa Public Attorney’s Office o PAO kaugnay ng tatlo pang bata na sinasabing nasawi matapos bakunahan ng dengvaxia.
Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo wala pa silang natatanggap na report pero kanyang tiniyak na agad nila itong sisiyasatin.
Una nang inihayag ni Atty. Ferdie Topacio, General Counsel ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC na nakatanggap sila ng impormasyon na tatlong bata mula sa Nueva Ecija at Laguna na kabilang sa mga naturukan ng dengvaxia dengue vaccine ang nasawi kahapon.
Bukod pa aniya ito sa limampu’t dalawang (52) mga batang naturukan ng dengvaxia na kasalukuyang naka-confine sa San Lazaro Hospital.
Batay naman sa tala ng DOH, dalawampu’t anim (26) na mga batang nabakunahan ng dengvaxia ang nasawi habang umaabot naman sa pitong daan dalawampu’t lima (725) ang na-ospital sa iba’t ibang bahagi bansa simula 2016 hanggang January 24, 2018.
‘Malacañang on dengvaxia’
Tumanggi magkomento ang Malacañang kaugnay sa posibilidad na sampahan ng kaso hinggil sa dengavaxia dengue vaccine sina sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Health Secretary Janette Garin.
Kasunod ito ng pahayag ng VACC na natapos na ang lahat ng affidavits ng kanilang mga testigo at posibleng kabilang ang dating pangulo sa sasampahan ng kasong plunder kaugnay ng nasabing usapin.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hinihintay lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte na matapos ang isinasagawang imbestigasyon ng Department of Health at Department of Justice.
Dagdag ni Roque, oras na matapos na ang imbestigasyon, tiyak naman aniyang magsasampa na rin ng kaso ang pamahalaan.
—-