Ipinagmalaki ng Militar ang kanilang panibagong tagumpay matapos mapatay sa operasyon ang 3 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Maguindanao.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command o WESMINCOM Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr. nangyari ang bakbakan sa Brgy. Linantangan, bayan ng Shariff Saydona Mustapha.
Nagsasagawa ng focused Military Operation ang Militar nang makasagupa ang may 10 miyembro ng BIFF sa ilalim ni Muslimin Amilil alyas “Mus” ng 2nd Division, Karialan Faction.
Nakuha ng mga sundalo sa pinangyarihan ng engkuwentro ang bangkay ng 3 BIFF at iba’t ibang kagamitan tulad ng kalibre 45 baril, 2 granada, 8 gramo ng shabu at P1,000 cash.
Samantala, iniulat naman ni Joint Task Force Central Commander M/Gen. Juvymax Uy na nakubkob nila ang abandonadong kuta ng BIFF sa Sitip Tabak, Brgy. Saniag, Ampatuan sa Maguindanao .
Kayang makapagkanlong aniya ang naturang kuta ng may 80 hanggang 100 indibiduwal, may 12 foxholes, 3 overhead bunkers at 3 guard post.