Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na naglunsad ito, sa pangunguna ni Sec. Ivan John Uy, ng tatlo pang “Broadband ng Masa” sites sa tatlong malalayong lugar sa Zamboanga City.
Kasama si Majority Floor Manuel Jose “Mannix” Dalipe, ito ang kauna-unahang pagkakataon na personal na pumunta ang isang cabinet secretary sa nasabing isla sa Mindanao.
Nabatid na unang binisita ng ahensya ang Sacol Island para i-assess ang posibilidad na malagyan ito ng stable internet service.
Natukoy ng DICT sa isinagawang assessment na kaya ring lagyan ng koneksyon ang dalawa pang geographically-isolated islands sa Zamboanga City na Tigtabon at Pangapuyan.
Pahayag naman ni DICT Assistant Secretary for Regional Development Maria Teresa Camba, dati nang mahirap ang basic telecommunications services sa lugar at ang mga tagaroon ay nahihirapang makatawag o makapag-text man lang.
“The island has long been deprived of robust broadband infrastructure. Even the most basic telecommunications services of making phone calls and sending text messages have been challenging for the locals over the years. Thanks to the magic of Bayanihan, together with our partners and the local community, we are now able to connect Sacol and 2 more nearby islands, Tigtabon and Pangapuyan, through the Broadband ng Masa initiative,” wika ni Camba.
Ang bagong lagay aniya na broadband sites ay maaari nang magamit.
Sa Sacol Island, ang free internet service ay accessible sa Madrasah, Landang Laum Elementary School, Landang Laum Barangay Hall, at Landang Gua Elementary School habang maaari na rin itong ma-access sa Pangapuyan Elementary School at sa Pangapuyan Barangay Hall sa isla ng Pangapuyan.
Samantala, naglunsad na rin ang DICT ng ‘Broadband ng Masa’ site sa Tigtabon Barangay Hall sa nasabing isla.