Mananatili pa rin sa kani-kanilang puwesto ang tatlong cabinet secretary na iniimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil sa usapin ng kurapsyon.
Ito ang inihayag ng Malacañang kasunod ng kumpirmasyon ng PACC na isinasailalim sa imbestigasyon sina Labor Secretary Silvestre Bello III, TESDA Director General Isidro Lapeña at National Commission on Indigenous People Chairperson Atty. Leonor Quintayo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kanila na lamang hihintayin ang magiging resulta ng imbestigasyon at rekomendasyon ng PACC.
Dagdag ni Panelo naka-depende pa rin sa bigat ng ilalatag na ebidensiya ang magiging kahihinatnan ng tatlong iniimbestigahang cabinet officials at pasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ito.
Samantala, muli namang tiniyak ni Panelo na magiging patas ang imbestigasyon kung saan hindi aniya titignan kung kaibigan, kapartido o fraternity brother ni Pangulong Duterte ang mga ito.
—-