Kinakailangang paigtingin pa ang ugnayan sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan para mapaghandaan ang mga hindi inaasahan sa pananalasa ng Bagyong Ompong.
Iyan ang binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte nang pangunahan nito ang command conference kahapon sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Kampo Aguinaldo.
Ayon sa Pangulo, kinakailangang pakatandaan ng mga ahensya ng pamahalaan ang Murphy’s Law na anumang bagay na mali ay magiging mali lalo na sa paghahanda.
“Actually if any crisis you have to reckon with the Murphy’s Law, we have the estimates, projections, reckonings and all but it ain’t there until it is there. So pagka ganun anything can go wrong outside of the projection or sudden shift of that typhoon crawling towards North Luzon.” Pahayag ni Duterte.
Kasunod nito, inatasan ni Pangulong Duterte ang tatlong miyembro ng gabinete na sina Presidential Adviser on Political Affairs Sec. Francis Tolentino, Transportation Sec. Arthur Tugade at Labor Sec. Silvestre Bello III na magtungo sa mga lugar na tatamaan ng bagyo para personal na tingnan ang sitwasyon duon.
Tiniyak naman ni tolentino sa pangulo na magtatayo sila ng command center sa provincial office ng PNP sa Cagayan para duon bantayan ang sitwasyon.
Nakatakdang umalis ngayong araw ang mga inatasang kalihim sa pamamagitan ng eroplanong ipagagamit sa kanila ng defense department.
“So the best way to proposition the most accurate way of finding out ano talaga nangyari is for Tugade who comes from Cagayan and Bello from Isabela to go home there now,” Ani Duterte.