Nilinaw ng Palasyo ng Malakanyang na hindi damay ng galit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa CPP – NPA – NDF (Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front) ang tatlo niyang cabinet secretaries na mula sa hanay ng mga militante.
Paliwanag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, labas ang pagiging militante nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo, Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael Mariano, at National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Masa sa kanilang mga trabaho bilang pinuno ng kani-kanilang mga ahensiya.
Ayon kay Abella, nananatili ang pagtitiwala ng Punong Ehekutibo sa kanyang tatlong cabinet secretaries.
Wala naman aniyang sinasabi ang Pangulo laban sa tatlo na maaari nilang ikabahala.
Ang mahalaga ayon kay Abella ay nagagawa ng tatlong miyembro ng gabinete ang kanilang mandato bilang empleyado ng pamahalaan at wala aniya itong problema sa kanilang pagiging makakaliwa.
- Meann Tanbio