Arestado ang tatlong suspek sa umano’y kidnap-for-ransom sa mga Chinese sa Pasay City.
Ayon kay Pasay City Police Chief Col. Cesar Paday-os, naaresto kagabi sa isinagawang entrapment operation sa isang paradahan sa Barangay 13 ang dalawang Chinese na pawang nagtatrabaho sa pogo at isang Pinoy na bodyguard ng mga ito.
Ngunit sinabi ni Paday-os na pangalawang grupo na pala ang mga ito na dumukot sa mga biktima.
Kwento kasi ng mga biktima, nag-a-apply sila ng trabaho sa isang nagpakilalang employer sa Las Piñas.
Ngunit nang mamasukan na sila roon noong weekend, dito na sila tinutukan ng baril at ikinulong tatlong araw sa isang bahay.
Hiningian umano ng mga suspek ang mga kaanak ng biktima sa China ng 1.5 milyong Chinese Yuan o mahigit P11 milyon.
Nang makuha na ang pera sa pamamagitan ng electronic transfer,ibinenta nila ang dalawang Chinese sa grupo ng mga nahuling suspek.
Panibagong ransom muli ang hiningi ng grupo sa kaanak ng mga biktima na nagkakahalaga ng apatnaraang libong piso.
Dito na nagpasaklolo sa Pulis ang isang Pinoy na napag utusang mag-abot ng ransom.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong kidnapping with ransom.