Isinalang na sa pagsusuri ng cyber forensic experts at analysts ang video ng Abu Sayyaf na nagtatakda ng deadline para sa hinihingi nilang ransom money kapalit ng buhay ng mga bihag nilang dayuhan at isang Pilipina.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng Armed Forces of the Philippines o AFP nais nilang malaman kung konektado ang bagong video sa dalawa pang video na lumabas nitong mga nakaraang buwan.
Gayunman, batay anya sa pauna nilang pagsusuri, lumalabas na talagang ang dinukot sa Samal Island noong Setyembre ng nakaraang taon ang nasa video.
Hindi tinukoy sa video kung magkano ang hinihinging ransom ng Abu Sayyaf subalit sa mga nagdaang video, 21 milyong dolyar o 1 bilyong piso ang hinihinging kapalit ng mga biktima na sina John Ridsdel at Robert Hall na kapwa Canadian nationals, Kjartan Sekkingstad, isang Norwegian national at Pinay na si Marites Flor.
Sa bagong video na inilabas ng teroristang grupo, hiniling ng mga dayuhang bihag ng grupong Abu Sayyaf sa kanilang mga gobyerno na tulungan sila. Makikitang pinilit ng isa sa mga miyembro nito ang 2 Canadian at isang Norwegian na ibigay ang ransom na hinihingi ng Abu Sayyaf.
Papatayin umano silang apat na bihag kapag hindi ibinigay ang ransom bago sumapit ang Abril 8.
Samantala, hindi binanggit sa video ang halaga ng ransom na hinihingi ng mga terorista.
“Batay po sa unang initial assessment, sinasabi po nila na ito pong 4 na bihag kasama na ang isang Pilipina ay identified na po na talagang sila ito, at ang kagandahan dito ay may mga mukha po na wala na pong takip at tinitgnan po nila kung maaaring nasa listahan nila ito, kaya inaantay po natin.” Pahayag ni Padilla.
By Avee Devierte | Len Aguirre | Ratsada Balita
Photo Credit: AFP EASTERN MINDANAO COMMAND/FACEBOOK