Posibleng hindi sa Pilipinas nakuha ang 2019 coronavirus disease (COVID-19) ng tatlong dayuhang bumiyahe sa Pilipinas at nagpositibo sa sakit pag-uwi sa kani-kanilang mga bansa.
Ito, ayon sa Department of Health (DOH), ay matapos nilang makuha ang mga detalye ng tatlong mga dayuhan na Taiwanese, Japanese at Australian nationals.
Sinabi ni Health secretary Francisco Duque III na ang lalaking pasyente na nag positibo sa COVID-19 sa Taiwan ay bumiyahe sa Pilipinas mula February 28 hanggang March 3.
March 2 nang magkarion ito diarrhea habang nasa Pilipinas at March 3 nang makaranas ng sore throat at lagnat samantalang March 4 nang ito ay magpasuri sa Taiwan at March 5 nang magpositibo sa COVID-19.
Inihayag pa ni Duque na ang nasabing Taiwanese ay maaaring may infection na bago pa bumiyahe sa Pilipinas.
Ang lalaking Japanese naman aniya ay bumiyahe sa Pilipinas noong February 21 hanggang February 28 at nagbiyahe pa sa Cambodia at Vietnam bago siya bumalik ng Japan.
February 28 nang magtungo ito ng Thailand at kinabukasan nang makaranas na ng ubo, paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga.
March 3 naman nang magpatingin ito sa Cambodia subalit hindi nakuhanan ng samples at March 4 nang bumalik siya ng Japan at doon nagpositibo sa sakit.
Ang naturang lalaking Japanese ay tumuloy sa ilang magkakaibang hotel sa Metro Manila habang siya ay nasa Pilipinas.
Samantala, ang babaeng Australian na taga-Sydney ay dumalo sa isang kasalan sa Maynila noong February 15 bago dumalo sa isang reunion sa Pangasinan at March 2 nang bumalik siya ng Sydney bago magpositibo sa COVID-19 ng March 3.
Dahil dito, ipinabatid ni World Health Organization (WHO) country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na posibleng hindi sa Pilipinas nakuha ng mga nasabing dayuhan ang COVID-19 tulad na lamang aniya ng Japanese national na maliban sa Pilipinas ay mayroon pang ibang mga lugar na binisita sa Southeast Asia.