Sinampahan ng reklamo ng maintenance service provider ng MRT-Line 3 na Busan Universal Rail Inc. o BURI si Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez at dalawa pang opisyal ng ahensiya.
Sa inihaing reklamo ng BURI sa Ombudsman, iginiit nito ang pag-iimbestiga kina Chavez kasama sina Transportation Senior Technical Assistant Hernando Cabrera at Transportation Consultant Jorgette Bellen sa posibleng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act code of conduct and ethical standards for public officials.
Ang reklamo ay nag-ugat sa hindi pa nababayarang mahigit 176 na milyong pisong utang ng DOTr-MRT-3 mula sa 10 billing statement ng BURI.
Inaakusahan din ng BURI sina Chavez, Cabrera at Bellen ng pagsasabwatan upang hingan sila ng mga karagdagang dokumento para maharang ang pagbabayad sa nasabing utang.
Iginiit pa ng BURI na walang legal na batayan ang utos ni Chavez na isailalim sa review ng UICI Seoul Metro Consultants ang kanilang mga billing statement.
Paliwanag naman ni Chavez na walang basehan ang paratang ng BURI dahil layunin aniya ay protektahan lamang ang pondo ng pamahalaan at matiyak na sumusunod ang BURI sa mga auditing requirements ng Commission on Audit o COA.
—-